"Masdan ang Kasaysayan ng Malolos Bulacan"




Sa pagsilip ng haring araw noong ika-27 ng Agosto 2018, ramdam ko na makikisama ang isang magandang panahon upang mabigyan kami ng di malilimutang paglalakbay. Naganap ang isang masaya at makasaysayang paglalakbay kasama ang aking mga kaibigan sa Malolos, Bulacan. Ang napagkasunduang panahon ng pagkikita sa oras na 9:00 ng umaga ay hindi natupad dahil sa mga pangyayaring hindi inaasahan kaya naman makalipas ang isang oras, sa ganap na 10:00 ng umaga ay amin ng nilisan ang Siyudad ng Angeles at sinimulan na ang paglalakbay. Gayong maganda ang panahon, sa aming pagdaan sa Apalit Pampanga ay makikita ang hanggang tuhod na baha bunga ng mga nakalipas na pag ulan. Makalipas ang mahigit isang oras ay ligtas naming narating ang Probinsya ng Bulacan.



Nadaanan namin dito ang sikat at world class na JEDs Island Resort na matatagpuan sa Calumpit Bulacan. Una naming pinuntahan ang sikat na "Kalayaan Tree" na matatagpuan sa harap ng Katedral sa Malolos. Ang punong ito ay itinanim mismo ni Heneral Emilio Aguinaldo. Ayon sa sabi sabi, ang punong ito ay naging saksi sa maraming pagpupulong na naganap sa pagitan ng mga tauhan sa ating kasysayan -- ilan na rito ay sina Gregorio del Pilar at Isidoro Torres. Sa kabilang bahagi ay matatagpuan ang "Minor Basilica of Our Lady of Immaculate Conception" na kilala rin sa tawag na Malolos Cathedral. Ang simbahan at kumbento nito ang naging tanggapan - tirahan ng Pangulong Emilio Aguinaldo sa panahon ng Kongreso ng Malolos hanggang sa Unang Republika ng Pilipinas 1898 - 1899. Bukod sa ito ay lugar dasalan, mayroon din itong dormitoryo na makikita sa ikalawang palapag para sa mga nag aaral bilang Pari. Sunod naming pinuntahan ang "Casa Real Shrine" o Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas na naging tanggapan ng Gobernadorcillo noong panahon ng Kastila. Dito nilimbag ang La Independencia. Sa patuloy na paglilibot, nadaanan din namin ang "Pook Sinilangan ni Jose C. Cojuangco" ang ama ng Pangulong Corazon C. Aquino. Sumunod na destinasyon ay ang "Simbahan ng Barasoain" na itinayo noong 1885 sa pangunguna ni Reberendo Padre Juan Giron, O.S.A. Dito naganap ang pagpupulong ng Congreso Revolutianario na binuksan noong Setyembre 15, 1898. Ipinahayag na isang pook pangkasaysayan sa bisa ng kautusang pampanguluhan blg.260, 1 Agosto 1973. Sa tapat ng simbahan ay matatagpuan ang rebulto ni Emilio Aguinaldo y Famy, unang Pangulo ng Pilipinas. Ang huli naming pinuntahan ay ang Kapitolyo "Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan" sa tabi nito ay itinayo ang "Bulacan Capitol Gymnasium" kung saan ginaganap din ang ilang malalaking aktibidad tulad na lamang ng nalalapit na laro ng Maharlika Pilipinas Basketball League. Sa tapat ay makikita ang dalawang kanyon at manumento ni General Gregorio Del Pilar upang gunitain ang sakripisyo at buwis buhay na pakikipaglaban ng mga bayani para sa kalayaan ng ating bansa. Sa bungad ng Kapitolyo ay masasaksihan ang ganda ng tanawin sapagkat napaliligiran ito ng magagandang halaman at isang water fountain.

Bago namin lisanin ang ganda ng Malolos Bulacan, amin pang nadaanan ang malaking "Eco Commercial Complex" at "Bulacan State University". Mahirap ang makahanap ng Bus pauwi ngunit sa kabutihang palad matapos ang ilang minuto ay nakasakay na kami. Maraming magagandang tulay sa Bulacan ang aming nadaanan. Bumaba kami sa San Fernando at doon sumakay ng jeep pabalik sa terminal ng Marquee. Matapos ang isang mahaba, maganda, sulit, at masayang paglalakbay ay nakauwi kami ng ligtas. Pagkatapos ng paglalakbay na ito, masasabi ko na pinagpala talaga ang bansang Pilipinas dahil parte nito ang Probinsya ng Bulacan. Isa itong makasaysayan at hindi malilimutang paglalakbay kaya aking masasabi na dapat itong ipagmalaki sapagkat tunay nga namang mag iiwan ito ng mga katagang "I Love Bulacan".

Mga Komento